Sa 'sang tasang kape, doon nagsimula,
Hindi naitago ang labis na tuwa,
Kung noo'y wala kahit sa hinuha,
Palagay na loob sa iyo'y nakuha.
Napunta sa kwentuhang walang tulugan,
Nagkakilala sa isang mahabang usapan;
Kasabay ng tagay at masarap na pulutan,
Mga tawa at lungkot kapwa naramdaman.
Pinagsaluhan ang ilang munting gusot,
Tampo sa iba, muntik maging poot;
Mabuti na lamang at hindi masalimuot,
Nadaan sa payo, lahat ay nalimot.
Dumaan ang araw mas nakilalang lubos,
Nabatid ang dating nadaanang unos;
Pinigil ang luhang muntik nang bumuhos,
Tapik sa balikat ang tanging yapos.
Ilan pang samahan ang pinagsaluhan,
Saksi ang iba pang bagong kaibigan;
Sa saya't kulitan tayo'y nagpalitan,
Hindi inakala takdang katapusan.
Maikling samahan man ating pinagdaanan,
Mawala ka man ay palaging nariyan;
Lumayo ka man at mangibang-bayan,
Nandito kami na pwedeng balikan.
Huwag nang malungkot o magdalamhati,
Ilagay sa bagahe ang mga pabaong ngiti;
Maging buwan o taon man bago umuwi,
Ayos lang basta... may pasalubong muli.
--- o O o ---