Nag-uumapaw na Kaligayahan


Nilanghap ko ang alingasaw ng sistemang aking kinalakihan sa looban. Sanlaksa ang hindi kaaya-ayang amoy ngunit hindi mapigil ang pagsinghot ng mga kalakarang taliwas sa dapat ay matuwid na prinsipyo. Dahil salat sa karangyaan, nangibabaw ang pangangailangang mapunan ang kalam ng sikmura. Gumawa ng hindi tama. Minsan, nanlamang sa kapwa. Nang mahimasmasan, lugmok sa pagkakadapa at nanlimos sa kawalan upang baguhin ang baluktot na simulain.

Naulinigan ko ang nakabibinging pangugutya sa tulad kong walang kakayahang sumabay sa agos ng modernong pagbibihis ng henerasyon. Patuloy man sa pagpupumilit na magkaroon ng makabuluhang puwang, ilang mga bulong ang sumupil sa aking pagnanais na iwaksi ang kamangmangan. Mabuti na lamang at mas dininig ang ingay mula sa nag-aalab na dibdib. 


Tinikman ko ang inakalang buhay na puno ng linamnam ngunit nang lumaon ay nakasanayan ang paglasap ng pait sa tuwing madadaig ng hinagpis na bunga ng kakulangan. Mula kabataan ay kinagisnan ang kamalayang mas angat ang iba sa karangyaan. Nabuhay ang inggit at naging gabay ito upang hanapin ang susi sa karuwagan.

Nasilayan ko ang bawat bakas ng panaghoy mula sa mga kaanak sampu ng mga kapwa nagdadalamhati sa kapalarang idinikta ng tadhana. Batid man ang munting hiling sa pagdating ng liwanag, kinailangang gapiin ang mga mapanuksong kinang na dulot ng liko-likong lagusan palabas sa madilim at malubak na eskinita ng karukhaan. Hindi naging madali.

Nadama ko pati ang mga munting galos nang suungin ang matalahib na daan. Ninais indahin ang lalim ng mga sugat na kinaharap ngunit mas nanaig ang mahigpit na kapit sa pananampalataya. Hindi ko alintana ang panlilibak ng lipunang ginawang tampulan ng sisi at panghuhusga ang pamilya kong matagal na ring nakatanghod sa mga baryang galing sa pitaka ng pag-asa.

Sa kasalukuyan ay nagsusumiksik sa aking utak ang pitak ng kahapong sumasalamin sa aking buong pagkatao. Gamay ko na ang labas-pasok na ginhawang matagal na inasam ngunit malakas pa rin ang hiyaw ng aking sentido na maghasik ng paghihiganti sa mga nagbigay ng sandamakmak na pilat sa puso kong lubos na sinugatan ng nakaraan.

Aking naamoy, narinig, nalasahan, nakita at naramdaman ang lahat ng uri ng pagmamalabis. Nalampasan ko ang mga higanteng dagok ng buhay at sa ngayon ay tinatamasa ang tamis na dati'y pangarap lamang. 

Totoong libre ang mangarap pero hindi ang pag-abot nito. Nagsilbing kabayaran ang buhay ng aking ama upang sumidhi ang aking pagnanais na kumawala sa rehas ng kahirapan. Naging matagumpay ako ngunit habambuhay kong dama ang pangungulila sa isang taong karapat-dapat sa nag-uumapaw na kaligayahan.

35 komento:

  1. ;-) ang lalim ng tagalog senyor. sa naintindihan ko it speaks of the truth and the grim reality of our society

    TumugonBurahin
  2. ang ganda ng pagkaka sulat but ang lungkot,,, maganda rin ang mensahe. How I wish I kasing galing mo akong magsulat sa Tagalog

    TumugonBurahin
  3. Ito ang nose bless ... ang lalim pero malungkot nga ...pero may aral... maraming salamat sa pagshare senyor

    TumugonBurahin
  4. diko ma arok sir ang lalim (joke)

    pero relate ako sa storya,, lumaki din kasi akong salat sa karangyaan. nalagay nyo na dito ang katotohanan sa lipunan.

    TumugonBurahin
  5. alam mo teh ndi ako nagsskip read ha sadyang nakanganga ako sa sobrang lalim ng tagalog na ito lol ang naintindihan ko lang ang sa iyong ama at ang pangarap mo sa buhay hehehe wag malalim masyado teh hahaha kainis ndi ko maintindihan naalala ko tuloy ang teacher ko sa filipino nito. =)

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. napa nga-nga na lang ako habang binabasa ko toh. grabe ka senyor. saang banga mo hinuhugot yan? share mo naman samin ni Lala :))

      Burahin
  6. Parang talambuhay ko. Dahilan na rin sa mga naranasang pighati, nagpursigi para guminhawa. Pero ang lahat ay hindi para kay ama dahil si ama ang dahilan ng aking paglayo sa aking pamilya.

    TumugonBurahin
  7. Awwww. I feel you.

    Napakalalim neto. halos di maarok! haha!

    5 senses pala ito, naligaw ako sa naulinagan. :P

    TumugonBurahin
  8. Ang kati sa anit. Lakas makabalakubak. Ayoko mag-isip! LOL

    TumugonBurahin
  9. Naalis ng may-ari ang komentong ito.

    TumugonBurahin
  10. lakas tama sakin neto senyor!
    kahit lalim ng dinive ko sa pakakatagalog mo!
    well sabi nga nila di mo malalaman ang sarap kung di ka nasakatan,
    ang ginhawa kundi ka nahirapan at ang kasiyahan kung di mo na tanto ang pakiramdam ng kalungkutan

    TumugonBurahin
  11. Nose bleed. san ka ba nag bubungkal ng mga salita senyor?

    TumugonBurahin
  12. Nalunod ako. Sa dugo. kala ko nagfflip top ka. pero seryoso. Nalungkot ako. Totoong storya ba toh? Sorry sa nangyari sa ama na nakasulat dito. Mahirap magpatawad, pero yun ang paraan para lumaya ka. Lahat tayo may kanya-kanyang dahilan kaya gusto umakyat.. lahat tayo may hirap na nararanasan.. tingin tayo sa derecho..sa papunta..

    TumugonBurahin
  13. True story ba ito? I somehow can relate to the story... I love this line the best: Totoong libre ang mangarap pero hindi ang pag-abot nito

    I can't agree more. Love the article.

    Spanish Pinay

    TumugonBurahin
  14. Nosebleed ako dito. Very well written. Is this from a real life experience?

    TumugonBurahin
  15. katulad nga nung biyak sa tapaludo ng tormots ko, nagawa kong ipa-fiber glass para kahit papaano, madugtong ulit.. matibay na nga kaso yung alaala na minsan, nabiyak yun dahil sa pagiging pabaya ng isang taxi driver at tinira ako sa likod, hindi na mawawala 'yun.. hehehe

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. wow ha... ramdam ko naman naka-relate ka sa post kong ito... hehehe

      Burahin
  16. "Totoong libre ang mangarap pero hindi ang pag-abot nito" - gusto ko tong quote na to

    Ang tagumpay masarap namnamin lalo na pag pinaghirapan.. yung mga hindrance sa ating dinaraanan at yung mga sugat na tinamo, yun yung nag bigay ng lakas... mantakin mong yung nakakasakit sa puso ang syang nagiging lakas mo.. masohista lang ang peg pero yun talaga ang nagbibigay sayo ng eagerness to cross that bridge eh... at di mo maiwasang balikan ang mga taong nagbigay ng sugat lalo na yung sobrang lalim.. naghilom man pero yung pilat na sa twing makikita mo di ma iwasan maramdaman ulit yung pain...

    nangangarap pa rin ako pero masasabi kung kahit papano may natamo na ako at nasa kalagitnaan pa ako ng aking tinatahak na daan... and this post inspired me sir Iskwater. :)

    dumugo ang utak ko ang lalim ng tagalog word sana tama pag kakaintindi ko ng post mo :)

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. Kapag ganito ang palaging mababasang mga post parang wala na kaming karapatang sumulat ng kalokohan lang. :-)

      Ang ganda nito, walang biro! May pakontes ba, senyor?

      Burahin
    2. asus... wala namang pakontes... hehehe... kakatuwa naman comment mo...parang gusto kong maniwala...

      Burahin
    3. Sir Iskwater gurlash po aketch :)
      Sir limarx masarap din mag basa ng mga kalokohan.. tipong nakakabasag ng panga sa kakatawa nakaka gaan sa mabigat na dinaramdam... :)

      Burahin
    4. ay girlaloo ka nga... hehehehe...mali yung sir...bwahaha

      Burahin
  17. Buti hindi pa naisipan TUMAWID SA LIWANAG. Chos!

    This is very inspiring and very true. We all have to work hard for our dreams and maswerte yung mga tao na anjan pa yung mga magulang to share the triumph :) Hindi man magarbo, pero sapat para masabing naging matagumpay sa pagsabak sa hamon ng buhay!

    TumugonBurahin
  18. ang galing galing naman :) Pero pre, palagay ko, dapat maging proud ka sa sarili mo kung nalampasan mo yung mga dagok sa buhay na tulad nyan. Success at it's best :)

    TumugonBurahin
  19. Sabi nga ni Dora at Boots sa ending ng show "you did it! you did it!"

    I'm sure wala man ang iyong ama sa iyong tabi, proud sya sayo no matter where he is. You overcome all the struggles and now you're a fine, successful woman. Pak sa woman :)

    TumugonBurahin
  20. Napakagandang istorya samahan pa ng napakagandang mga kantang Pinoy... Support OPM!

    TumugonBurahin
  21. Galeng! May buod at kapupulutan ng aral.. Gusto ko ang iba't ibang konsepto at istilo ng iyong pagsusulat Senyor, swak sa panlasa ng nakararami, bersatayl na bersatayl hehehe

    TumugonBurahin
  22. good for you kasi yung mga hirap na dinanas mo ay ginamit mo bilang inspirasyon, hindi excuse para di maabot ang pangarap. ganunpaman, may mga bagay na di talaga maibabalik tulad ng mga mahal sa buhay na nawala. pero ang mabuti naman dito, puede pa naman natin ibawi ito sa mga taong nandyan pa rin sa paligid natin. nice post.

    TumugonBurahin


  23. Yung mga ganitong klase ng akda ang dahilan kung bakit naiinlab ako sa panitikan.

    Malinamnam ang nilalaman , may emosyon ang bawat salita.

    may pinaghugutan no? :)

    TumugonBurahin

Huwag mahiya... Say something... May Pabuya ang Katapatan...