Maliban sa ganda, ano pa ang hindi inakala?
Sa muling pagtahak sa mundo ng pagsusulat, na ngayon ay maligalig na paggalaw sa malayang espasyo ng blogosperyo upang maipahayag ang saloobin, kaisipan at kasabawan, nakilala ang ilang mga personalidad na ngayon ay itinuturing na kapamilya, kapatid at kapuso - pagkakaibigang hindi inakala!
Sa matapat na paglilingkod at kawang-gawa, naihatid ang ilang ngiti sa ilang mga kapuspalad nating mga kababayang minsan ay tinalikuran ng karangyaan at kakayahang mamuhay ng matiwasay - kaligayahang hindi inakala!
Sa daigdig na hindi patas at sa lipunang tunay na mapanghusga, hindi man naging palagiang pantay ang takbo ng gulong ng buhay, naging wais at nagpakabuti bilang tao dahil sa paniniwalang ang matuwid na prinsipyo ay ang nagbibigay kahulugan sa tunay na kulay ng buhay - talinong hindi inakala!
Sa patuloy na pagmamahal sa pamilya sa kabila ng kinalakhang pagkukulang maging sa mga pangunahing pangangailangan, walang katumbas ang bawat tuwang sa kanila'y naibibigay at ang tanging sukli ay mahigpit na yakap maiparamdam lang ang wagas na pasasalamat - kapayapaan sa dibdib na hindi inakala!
Sa bawat galos na hatid ng sugat sa bawat pagkakadapa, bumangon hawak ang tibay ng pag-asang kahit ang karimlan ay may wakas at ang masidhi at mahigpit na kapit sa Kanya ay may kapalit na walang hanggang pagdiriwang - biyayang hindi inakala!
Marami pa... Daming hindi inakala!